Ako ay buhay. Ako ay may pangalan, edad, tirahan, pera, edukasyon at relihiyon. Mahilig akong maglaro ng basketbol. Mahilig akong magbasa ng mga libro. Mahilig akong lumabas na wala pang plano gawin. Normal lang akong tao sa mundong ito. Wala akong ginagawa kakaiba, at wala akong planong maging iba. Gusto ko lang mabuhay, at madalas ko ito idinidiin sa kahit sinong gustong makinig. Nilalabas ko ang aking mga iniisip at nararamdaman sa paraan ng pagsulat. Ako ay may hilig magsulat, ngunit hindi sa wikang atin. Pakiramdam ko kasi hindi ako bihasa sa pagsalin ng aking mga damdamin at opinyon ukol sa buhay sa wikang Filipino.
Pinoy. Ito ang lahi ko. Minsan hindi ako taas-noo sa aking pagiging Pilipino kahit na alam ko napakagaling nating lahi. Kaya natin makihalubilo sa kahit sinong tao, at ang ating personalidad ay napaka-bukas tumulong. Pero, iba na yata ang tingin sa atin ngayon. Puno na kasi ng kaguluhan at kahirapan ang bansa ngayon eh, at sa gugustuhin ko o hindi, kasali ako sa problema at solusyon. Nag-aaral ako eh. Ano pa ba ang patutunguhan nito kundi ang tumulong sa ibang tao? Sayang naman ang pagiging Atenista ko kung ganun.
Atenista. Iyan ang tawag sa akin. Minsan nakakatakot dalhin ang pangalan ng paaralang kilalang kilala, ngunit minsan gusto ko rin ang matawag na Atenista. Matagal-tagal na rin ako nag-aaral dito. Pitong taon ang ginugol ko sa Grade School, at apat na taon naman para sa High School. Tapos, parang hindi na ako nagsawa, tumuloy pa ako sa Kolehiyo! Kaya't ayun, ako'y nandirito na, kinukuha ang kursong AB Psychology sa Pamantasan ng Ateneo de Manila. Sa labing-isang taon na dinatnan ko dito, ang rami kong natutunan. Natuto akong makisama sa mga taong iba sa akin. Natuto akong mag-aral nang mabuti upang makamit ang mga pangarap. Natuto akong bumagsak, at umahon mula sa bawat bagsak. Hindi ako nagsisinungaling kapag sinabi kong nahirapan ako. Sabagay, sino bang hindi nahirapan? Sa dami ba naman ng pinapagawa ng mga guro. Ngunit, sa bawat proyekto, sa bawat pagsusulit, sa bawat mahabang pagsusulit, ako'y namulat sa realidad na ganito ang buhay, hindi madali palagi, at kailangan magsikap. Unang taon palang, noong nakuha ko ang aking mga marka sa Matematika, napansin ko na hindi sapat ang aking pagsisikap. Kailangan ko pang galingan upang pumasa rito. At ito ang sinubukan kong gawin. Minsan mataas ang nakuha ko, minsan mababa. Siguro ganun talaga.
Ngunit, sa paglipas ng mga taon, hindi lamang grado ang aking inatupag. Naging kabilang ako sa Student Council ng mga Organisasyon sa High School. Ako'y naging bahala sa pitong organisasyon na tinatawag na Socio-Spiritual Cluster. Sa isang taon ng pagseserbisyo, nalaman ko na ganito ang gusto kong buhay. Buhay serbisyo, di bale na kung hindi napapansin ng madla, basta't may ginagawa upang mapabuti ang mundo. Nakita ko kasi ang Diyos sa serbisyo ko.
Ang Diyos. Siya ang nagsisilbing ilaw ng buhay ko. Kung wala siya, hindi na siguro akong nagsisikap ngayon. Ang galing eh, hindi ko naman siya hinahanap, pero nangyari. Nahanap ko siya ng lubusan nung ikatlong taon na ako sa High School. Sumali kasi ako sa Days with the Lord. Siguro, sa mga taong kilala ako, mabibigla sila sa aking pahayag. "Si Dino Alcoseba, altar boy bago pa man siya naging teenager, nahanap lang ang Diyos nung 3rd year?". Wala kasi siyang mukha sa mga misa, kaya't hindi ko talaga siya kilala. Noong Days with the Lord, nakita ko ang mukha niya, at napansin ko na mahal na mahal niya talaga ako
Currently feeling: fulfilled